Thursday, May 26, 2011

Trial and Error: XLI

Chapter 41
Ika-dalawang taon na nina James at Devon simula nung nagkabalikan sila.  Hindi pa sumusunod si James sa Davao tulad ng ipinangako nito pero iyon ay sa kagustuhan na rin ni Devon gawa nang lihim pa rin gang ngayon ang relasyon nila sa magulang nito. Pero salitan sila kung bumisita sa isa’t isa.

Isang Sabado ng tanghali, kumakain ang mag-ina at nagkukwentuhan. Wala namang tigil si Devon sa pagtantsa sa mood ng ina pero hirap na hirap siyang basahin ito. Pakiramdam tuloy niya’y pumopoker face ang ina at lihim siyang natatawa sa naisip.

“Ma, may tanong po pala ako.” Wika ni Devon. Tinignan naman siya ng ina.

“Pano niyo po nalaman na si Papa na po talaga ang para sa inyo.” Lakas loob na tanong ng dalaga at napangiti naman si Aling Linda at hindi ito inasahan ng anak.

“Siguro sabi ni Lord siya talaga ang para sa akin.” Ngiting sagot nito sa anak. Waring nagbibigay naman ng hudyat ang langit sa sagot ng ina.

“Ma, pano po kung si James talaga ang para sa akin.” Wika ni Devon na nababasag nanaman ang boses sa pagpigil sa mga luha niya. Tinitigan naman siya ng ina pero hindi nakita ni Devon ang mga talim na dati nitong ibinabato sa dalaga sa tuwing maririnig ang pangalan ng binata.

“Sa palagay ko, kung kayo talaga ang inilaan ng Panginoon e kayo talaga.” Malumanay na wika ni Aling Linda. Napalunok si Devon sa sinabi ng ina, ang tagal niyang hinantay na marinig iyon sa ina.

“Ma…. Kami pa rin po kasi ni James.” Mangiyak-ngiyak na wika ni Devon pero nakatitig pa rin ito sa ina na hindi umaalma sa narinig.

“Alam ko, inaantay lang kitang magsabi. Sa tingin mo ba hindi ako kinukutuban tuwing magkukulong ka sa kwarto mo, o kaya naman kung aalis ka kahit wala ka namang pasok? May pagkakataon pang gusto kitang sundan sa Maynila pero inisip ko hayaan nalang kita.” Wika ni Aling Linda na naluluha na rin. Para namang nabunutan ng tinik sa dibdib si Devon sa narinig sa ina.

“Ma, hindi nyo po alam kung gano ko ninais na magkwento sa inyo tungkol sa kanya, sa amin. Tungkol sa mga away namin. Gustong gusto kong manghingi ng advice sa inyo pero alam kong ikakagalit niyo iyon.” Hikbing wika ni Devon.

“Hindi naging madali sa akin Devon na tanggaping hindi ko talaga kayo mapaghihiwalay. Hindi mo alam ang hirap na pinagdaanan ko nung masaksikan ko ang ginawa nyo. Naging tuliro ako ng ilang araw, tumatawid ako at muntik nang masagasaan dahil iyong pangyayari lang na iyon ang naiisip ko. Hindi ako makapagtrabaho ng maayos dahil binablikan ako ng insidenteng iyon. Pero salamat at naging instrumento ang Tita Karla mo para gumaan ang pakiramdam ko. Siya ang naging counselor ko ng mga panahon na iyon. Sinabi niyang hayaan kita’t wag masyadong paghigpitan.  Alam mo kung gano kahirap sa akin iyon, dahil mahal kita at ayokong mapahamak ka kaya ganun na lang ako kaprotective sayo. Hindi ko kailanman hinangad na mapasama ka.” Wika ni Aling Linda na pigil pa rin sa pag-iyak. Naawa naman din si Devon sa naidulot na sakit sa ina hindi niya inakalang ganun ang katindi ang epekto ng pangyayari sa kanyang ina.

“Sorry po talaga, Ma. Pero Ma, hindi ko naman na po kayo binigyan ng problema pagkatapos nun di ba? Pumayag po ako sa kasunduan natin pati po mga kaibigan ko iniwan ko sa Maynila. Nakapagtapos naman po ako ng pag-aaral. Siguro sinuway ko po kayo dahil nakipagbalikan ako kay James pero other than po naging mabuting anak naman po ako sa inyo, di po ba?”

“Oo, pero sana ginawa mong makapagtapos hindi para may mapatunayan ka sa akin kundi dahil gusto mo.” Wika ni Aling Linda at tumango naman si Devon dito, “Alam mo tuwing nawawala ka sa paningin ko,  ipinagpapasaDiyos ko nalang ang pag-aalala ko sa’yo. Walang araw Devon na hindi kita pinagdarasal na sana ay wag kang mapariwara. Mabait ang Diyos dahil di man kita masundan kung nasan ka, e andun Siya lagi sayo para protektahan ka.”garalgal na saad ni Aling Linda na nagpakatatag pa rin at hindi hinayaang bumagsak ang mga luha. Si Devon naman ay walang mapagsidlan ng kaligayahan kahit pa nag-uunahan ang mga luha niya sa pagpatak. Pakiramdam niya ay nadaig pa niya ang presong lumaya sa matagal na pagkakakulong kaya’t tumayo ito sa kinauupuan at niyakap ang ina ng buong giliw.

“I love you, Ma. Nagpapasalamat ako at kayo ang naging Mama ko. Mahal na mahal ko po kayo ni Papa.”

“Mahal din kita. Sige na, hindi ako sanay sa mga ganitong eksena.” Tapik nito sa anak at kumawala naman si Devon sa kanya.

“Ma, pwede po bang bumisita dito si James?” tanong ni Devon sa ina habang pinupunasan ang luha nito at ubos tamis ang ngiti sa ina.

“Naku, Devon. Wag muna ngayon. Hindi ko pa ata kayang makita si James. Pasensya na.” seryosong wika ni Aling Linda at naintindihan naman iyon ni Devon. Di naman niya kailangang madaliin ang ina na matanggap agad ang lalaking kinamuhian nito.

“Naintindihan ko po. Ma, okay lang po bang ako nalang po ang magsabi kay Papa tungkol dito?” tanong muli ni Devon.

“Mainam ngang ikaw ang magsabi sa Papa mo pero sa tingin ko’y di na kailangan. Pakiramdam ko ay alam nang Papa mo na kayo pa rin hanggang ngayon ni James.”  Wika ni Aling Linda at nagulat naman si Devon sa sinabi ng ina. “Sige na, iligpit na ang mesa. Ikaw na ang maghugas at namamaga ang kamay ko tuwing hahawak ako ng tubig.” Wika ni Aling Linda at sumang-ayon naman si Devon. Pero bago pa makaalis sa habag ang ina ay binigyan niya uli ito ng isang mahaba at mahigpit na yakap.

2 comments:

  1. super ganda...kaiyak!...huhuhuhuhuhu galing mo talagang writer fwnd!.....waaaaaaaaaaaaa nxt nah agad! :))

    ReplyDelete
  2. kyaaaaaaaaa! next chap please :) gondo nameeeeen :D

    ReplyDelete