Sunday, July 10, 2011

Falling Slowly: Thirty Four

Chapter 34
 Umuwi si Ren sa apartment na puno ng pagkadismaya. Tinawagan nito si Lenny para balitaan tungkol sa naganap sa kanila ni Monette. Parehong nakaramdam ng hopelessness ang dalawa sa inasal ni Monette. Inililigpit na ni Ren ang mga natitira niyang gamit sa apartment nang biglang pumasok si Kian.

“Bro, iiwan mo na talaga kami.” Pagdadrama ni Kian na ikinagulat ni Ren na nakatalikod sa binata.

“Pambihira ka! Oo, dun muna ako sa Astoria habang inaayos pa ang lilipatan kong condo.” Wika ni Ren na patuloy pa rin sa pageempake ng gamit.

“Oo na! Mayaman ka na! Yabang rin neto. Pero teka maiba ako. Nagkita na ba kayo ni Monette? Nagresign na din siya at magkagalit sila ni Anton. Si Candice kasi parang tanga, nakitang kinindatan ni Anton si Monette ayun naghurumentado at sinugod si Monette. Nakakahiya nga kay Monette e.” dirediretsong wika ni Kian at panandaliang nag-alala si Ren sa narinig pero naalala nito ang naganap sa kanila ni Monette kanina lang at hindi nagbigay ng kumento sa sinabi ni Kian.

“Wala kang reaction man lang? Para talaga kayong sira ni Monette. Kahit halatang halata namang gusto ka ni Monette nagpapatay malisya pa.” wika ni Kian.

“Hayaan mo na siya. Hindi natin pwedeng pilitin ang taong ayaw umamin.” Wika ni Ren at isinara ang nahuhuling maleta.

“Tulungan na kita dyan.” At binitbit ni Kian ang isa sa mga dala ni Ren.

***
Nakahigang tulala si Monette sa doubledeck at hindi namalayan ang pagsilip ni Lenny.

“Ano ba talagang gusto mong patunayan sa sarili mo, Monette?” galit na bungad ni Lenny kay Monette at agad na napabangon si Monette sa narinig.

“Pwede ba Lenny wag mo kong simulan.” Galit na ring wika ni Monette sa kaibigan.

“Wow! Galit ka dahil sa ginawa namin sayo para lang umamin ka sa nararamdaman mo kay Ren? Umayos ka nga!” bulyaw ni Lenny.

“Bakit nyo ba kasi ako pinipilit na umamin? May mga lakad ba kayo at nagmamadali kayong paaminin ako? E bakit si Ren, umamin ba? Ako lang ang nakikita mong mali.” Sagot ni Monette.

“Pumunta siya dito kanina di ba? Nagpaliwanag na iyong tao sayo, ano pa bang pag-amin ang hinihingi mo kay Ren? Hindi ko maintindihan ang nangyayari sayo. Dati halos magparape ka pa para lang mapansin ka nung tao ngayong pansin na pansin ka na, ikaw naman ang umiiwas. Sige nga!” mapuntong wika ni Lenny. Si Monette na parang wala nang nairason at naiinis na rin sa sarili dahil alam niyang mali siya ay napahagulgol na lang. Hindi naman kumilos si Lenny para aluin ang dalaga dala ng inis dito.\

“Nang dahil dito nagkakagalit tayo? Hindi tayo ito, Lenny. Hindi ba pwedeng respetuhin mo naman sana ang desisyon kong manahimik?” Hagulgol na wika ni Monette.

“Tinutulungan na kasi kitang makuha ang lalaking mahal mo. Akala ko iyon ang magpapasaya sayo pero parang ayaw mo. Sa tingin ko tapos na ang trabaho ko sa inyo ni Ren. Pero sana matauhan ka at sana sa panahon na iyon hindi pa huli ang lahat.” Wika ni Lenny at lumabas ng kwarto.

Naisubsob naman ni Monette ang muka sa mga kamay niya. Hindi rin nito maintindihan ang sarili.

“Wag kang magmaganda, Monette! Puntahan mo na si Ren at kausapin mo na siya bago mahuli ang lahat.” Bulyaw ng isipan ni Monette at dali dali siyang bumangon sa kama at nag-ayos.

Madilim na sa labas pero halos takbuhin ni Monette ang apartment nina Ren. Humahangos na kumatok si Monette sa pinto ng apartment nina Ren at makailang katok ay bumukas ang pinto.

“O Monette! Anong ginagawa mo dito?” bati ni Kian.

“Si Ren?” habol hiningang tanong ni Monette.

“Di na siya dito nakatira. Kakaalis niya lang kaninang tanghali.” Wika ni Kian. Tumulo na ang mga luha sa mga ni Monette na ikinagulat ni Kian. “Bakit ka umiiyak?” tanong ng binata.

“Huli na ako.” Hagulgol na wika ni Monette.

“Anong huli? Alam ko kung asan siya.” Awang wika ni Kian sa umiiyak na dalaga.
“Talaga?” wika ni Monette na napangiti kahit umaagos ang mga luha.

“Oo, sasabihin ko naman sayo e. Kaso bigla kang umiyak. Tumutuloy siya ngayon sa Astoria. Alam mo ba kung saan iyon? Pwede kitang samahan.” Wika ni Kian. Agad namang pinunasan ni Monette ang mga luha.

“Alam ko kung san iyon. Alam mo kung anong room siya dun?” hikbing wika ni Monette at ibinigay naman ni Kian ang impormasyong kailangan nito. Nang makuha ni Monette ang room number ni Ren ay agad nitong nilisana ng apartment.

No comments:

Post a Comment